Miyerkules, Setyembre 3, 2025

Kung ako'y tumumba

KUNG AKO'Y TUMUMBA

kung ako'y tumumba
sa tama ng bala
ang hiling ko sana
ako'y mabuhay pa

sana'y maabot ko
pa'y edad na gusto:
ang pitumpu't pito
o walumpu't walo

kayrami pang tula
kwento at pabula
ang nais makatha
para sa dalita

kayrami pang dagli
at kwentong maikli
ang akda kong mithi
kahit puso'y sawi

- gregoriovbituinjr.
09.03.2025

* litratong kuha ng makatang gala sa EDSA cor. Quezon Avenue, QC

Martes, Setyembre 2, 2025

Umamin daw ang aso?

UMAMIN DAW ANG ASO?

ang aso ay magaling na bantay
tatahol pag may iba sa bahay
ang aso'y mahusay ring alalay
pag tumahol, di ka mapalagay

bakit ba umaming siya'y aso
ng isang batikang pulitiko
sakaling mangagat naman ito
baka magkarabis kang totoo

kaya sa aso'y laging mag-ingat
at iwasan ang kanilang kagat
aso mang umamin at nanumbat
baka galis pa'y kanyang ikalat

ingat sa aso, ingat sa rabis
baka kagat nito'y di matiis
garapata pa'y dapat matiris
pag tumahol, agad kang umalis

- gregoriovbituinjr.
09.02.2025

* ulat mula sa pahayagang Bulgar, Setyembre 2, 2025, p.1 at p.5

Sa muling pagninilay

SA MULING PAGNINILAY

mabuti nang tumumba't mamatay
kaysa wala nang silbi sa buhay
sa isip ko'y gumugulong tunay
itong gulong na plat niring buhay

narito't naglilingkod ng sadya
sa uring manggagawa at dukha
sa kabila ng hibik at luha
nang aking asawa ay mawala

paano babayaran ang utang
na milyon-milyon ay di ko alam
sakit sa ulong di napaparam
ang sarili ko na'y inuuyam

pagpapatiwakal ba ang sagot?
kung katiwasa'y di maabot?
paano lulusutan ang gusot?
ang kalutasan sana'y masambot

- gregoriovbituinjr.
09.02.2025

Lunes, Setyembre 1, 2025

Kung may humanitarian mission sa Palestine

KUNG MAY HUMANITARIAN MISSION SA PALESTINE

kung may humanitarian mission sa Palestine
nais kong maging boluntaryo sa gawain
pagkat ito'y tunay na dakilang tungkulin
ng bawat isang nagpapakatao man din

isang gawain tungo sa kapayapaan
sa rehiyong niluray ng mga digmaan
isang adhikain tungo sa kalayaan
ng mga Palestinong dapat lang tulungan

tulad ng dalitang inagawan ng lupa
pati pinagsasamantalahang manggagawa
karapatan nila'y ipaglalabang sadya
tulad din ng Palestinong tigib ng luha

ay, kayrami na nilang namatay sa gutom
kaya kung doon may humanitarian mission
ang magboluntaryo ako'y isa kong layon
itutula ko rin ang lagay nila roon

- gregoriovbituinjr.
09.01.2025

* ulat at litrato mula sa fb page ng Middle East Monitor sa kawing  na:

Gawain tuwina

GAWAIN TUWINA

ang pagsusulat at pagbabasa
ang madalas kong gawin tuwina
pagbabasa'y bisyo ko talaga
gabi, hapon, tanghali, umaga

binabasa'y samutsaring aklat
sa bawat pahinang nabubuklat
dito'y kayrami kong nauungkat
kayraming paksang nabubulatlat

tuwina'y dito ko binubuhos
ang panahon bagamat hikahos
pag maghapong trabaho'y natapos
libro nama'y babasahing lubos

kakatha ng tula bawat araw
kahit kagubatan ko'y mapanglaw
pag may lumitaw sa balintataw
ang pluma kong tangan na'y hahataw

magsusulat ng kwento't sanaysay
dama man ay saya, dusa, lumbay
mga tagong paksa'y binubuhay
upang sa masa'y maisalaysay

- gregoriovbituinjr.
09.01.2025

* larawan mula sa google