Huwebes, Mayo 30, 2024

Tatlong buwang sanggol ang biktima

TATLONG BUWANG SANGGOL ANG BIKTIMA

pamagat ng ulat ay nakapukaw ng atensyon 
"Unthinkable": isang batang tatlong buwan lang ngayon
ay nabiktima na ng online sexual exploitation
mga nambibiktima'y dapat mahuli't makulong

aba'y paglabag na ito sa batas na OSAEC
bakit sanggol pa lang ay inaabuso na ng lintik
magulang ba ang maygawa o sila ang humibik
na anak nila'y biktima kaya sila'y umimik

bago iyon ay edad onse ang pinakabata
sa nabiktima ng ganyang kasong di matingkala
subalit ngayon ang sanggol na batay sa balita
naku, bakit ba ang ganyan ay nangyayaring sadya?

bakit bata pa lang ay biktima na sa internet?
dahil ba sa hirap kaya pati bata'y ginamit?
kahirapan ba ang rason ng naranasang gipit?
hanap ay pagkakakitaan, nakita'y kaylupit?

- gregoriovbituinjr.
05.30.2024

OSAEC - online sexual abuse and exploitation of children
* ulat mula sa pahayagang Tempo, Abril 26, 2024

Lunes, Mayo 27, 2024

Pagkilos laban sa ChaCha

PAGKILOS LABAN SA CHACHA

sa rali ako'y sumama
na panawagan sa masa:
Manggagawa, Magkaisa!
Labanan ang Elitista
at Kapitalistang ChaCha

sa guro'y nakinig ako
sa pagtalakay ng isyu
laban sa ChaCha ng dayo
at ChaCha rin ng Pangulo
na masa ang apektado

guro naming naririyan
ay lider-kababaihan
lider obrerong palaban
lider-dukha, kabataan
lider-tsuper, sambayanan

ang ChaCha'y kasumpa-sumpa
nais ng trapo't kuhila
na ibenta sa banyaga
ng sandaang porsyento nga
ang edukasyon at lupa

trapong sugapa sa tubo
ang sa ChaCha'y namumuno
dapat lang silang masugpo
ang bayan na'y punong-puno
sa mga trapong damuho

- gregoriovbituinjr.
05.27.2024

* litratong kuha ng makatang gala sa harap ng Senado, Mayo 22, 2024

Sabado, Mayo 25, 2024

Nagrali laban sa Israel, sinipa ng iskul

NAGRALI LABAN SA ISRAEL, SINIPA NG ISKUL

tama lang namang lumahok sa rali
laban sa Israel na asta'y Nazi
ngunit U.S. ito'y kinukunsinti
pinatay mang Palestino'y kayrami

ngunit na-kickout ang babaeng anak
ni Kim Atienza matapos sumabak
sa anti-Israel raling palasak
na sa mundo't lalo pang lumalawak

na-kickout ang anak ni Kim Atienza
sa University of Pennsylvania
pagkat isa sa lider si Eliana
sa higit dalawang linggong protesta

ng Gaza Solidarity Encampment
na nagsikilos sa loob ng UPenn
hustisyang panawagan nila'y dinggin:
itigil ang pagmarder sa Palestine!

tangi kong masasabi'y pagpupugay
kay Eliana na nanindigang tunay
gawain ng Israel na pagpatay
sa Palestino'y kahudasang lantay

- gregoriovbituinjr.
05.25.2024

* ulat mula sa pahayagang Abante, ika-25 ng Mayo, 2024, pahina 2

Biyernes, Mayo 24, 2024

Muling lumahok sa rali

MULING LUMAHOK SA RALI

muli akong nagtungo sa rali
at lumahok sa masang kayrami
dito'y pinakinggan kong mabuti
ang mga talumpati't mensahe

mga sagigilid ang kasama
manggagawa, dukha, aping masa
panawagan: Sahod, Hindi ChaCha!
Hustisyang Pangklima, Hindi Gera!

isinigaw doon sa Senado:
itaas ang sahod ng obrero!
ayaw sa isandaang porsyento
na mag-ari sa bansa ang dayo!

Climate Justice, at hindi Just-Tiis!
ang climate change ay napakabilis!
tanggalin ang mga EDCA bases!
h'wag sumali sa Gera ng U.S.!

ilan ito sa isyu ng bayan
na dapat mabigyang kalutasan
para sa makataong lipunan
para sa patas na kalakaran

- gregoriovbituinjr.
05.24.2024

* sagigilid - marginalized
* litratong kuha ng makatang gala sa harap ng Senado, 05.22.2024

Huwebes, Mayo 23, 2024

Sinong pipigil sa matatandang nagmamahalan?

SINONG PIPIGIL SA MATATANDANG NAGMAMAHALAN?

kahit pa matatanda na sila'y nagmamahalan
ayon sa inilathala ng isang pahayagan
anang babae, mahirap daw mag-isa sa buhay
lalo't anak ay may kanya-kanyang pamilyang taglay

siya'y biyuda't tanging naiiwan sa tahanan
kaya nadarama'y kahungkagan at kalungkutan
hanggang sa kanya'y may balo rin namang nanliligaw
upang sumaya, dito'y may bukas na natatanaw

di ba't wala naman sa edad kung nais umibig
lalo na't ang puso sa isa't isa'y pumipintig
sa dalawang umiibig, sinong makapipigil
wala, kahit na sa edad, sila'y di pasisiil

muli, bigyan nila ng pagkakataon ang puso
na maranasang muli ang asukal ng pagsuyo

- gregoriovbituinjr.
05.23.2024

* mula sa isang lathalain sa pahayagang Bulgar, 05.20.2024, p.9

Linggo, Mayo 19, 2024

Edad 15, ni-rape ng rider

EDAD 15, NI-RAPE NG RIDER

huwag basta magtitiwala
sa matatamis na salita
baka mapahamak na sadya
gawa ng haragang kuhila

ulat sa dyaryo, ang nangyari:
"Ni-rape ng rider, edad kinse"
rider na napakasalbahe
ang nang-rape sa batang babae

inalok daw ng libreng sakay
at pagkain pa'y ibinigay
ngunit malaon ay hinalay
ng rider yaong walang malay

babae'y iyan ang sinapit
sa rider na iyong kaylupit
hustisya'y dapat na makamit
rider ay dapat lang ipiit

- gregoriovbituinjr.
05.19.2024

* ulat mula sa pahayagang Bulgar, ika-19 ng Mayo, 2024, pahina 2

Biyernes, Mayo 10, 2024

Banta sa buhay ang redtagging, ayon sa SC

BANTA SA BUHAY ANG REDTAGGING, AYON SA SC

sa inilabas na desisyon ng Korte Suprema
nitong Mayo Otso, redtagging ay banta talaga
sa buhay, kalayaan at kaligtasan ng masa
pati sa kagaya kong nakikibakang aktibista

nais ng aktibista'y isang malayang lipunan
na di naghahari sa bansa ang tuso't gahaman
di namamayagpag ang dinastiya ng iilan
nais nami'y patas, parehas, pantay na lipunan

dahil ayaw ng elitistang mawala't tanggalin
kaya pinauso nila ang sistemang redtagging
ayaw ng kapitalistang ang karapatan natin
sa pabrika, sa eskwela, saanman, kilalanin

kumilos kami para sa karapatang pantao
laban sa pagsasamantala ng tao sa tao
itatayo namin ay isang lipunang makatao
na walang hari batay sa pag-aaring pribado

salamat sa Korte Suprema sa inyong desisyon
na redtagging sa buhay ng masa'y nakalalason
patuloy lang kami sa makatao naming misyon
na sistemang bulok ay pawiin sa ating nasyon

- gregoriovbituinjr.
05.10.2024

* litrato mula sa ulat sa google

Anong kahulugan ng hao siao?

ANONG KAHULUGAN NG HAO SIAO?

naririnig ko na noon pa ang hao siao
akala ko'y pagkain doon sa Binondo
na kapara ng tikoy, chop seuy at siopao
ngunit iba pala ang kahulugan nito

ano ba ang hao siao, tayo'y nagsaliksik
upang kung ano talaga ito'y malaman
ayon sa Inquirer, ito'y bogus journalist
sa Abante Tonite ba'y pekeng Pinoy iyan?

tingnan ang pamagat: Tarlac Mayor Hao Siao
ngunit di Hao Siao ang pangalan ni Mayor
nang nasa Senado si Mayor Alice Guo
ay ginisa ni Senadora Hontiveros

tanong ni Risa, "Baka Chinese national ka?"
walang rekord na ipinanganak sa bansa
wala ding rekord ng pinasukang eskwela
kay Hontiveros, ito'y nakababahala

tila baga ang hao siao ay pekeng Pinoy?
ngunit Mayor ba'y Tsino ang nasyunalidad?
usaping West Philippine Sea pa pag natukoy
kaso ng hao siao ay dapat mailantad

- gregoriovbituinjr.
05.10.2024

* ulat mula sa pahayagang Abante Tonite, ika-10 ng Mayo, 2024, pahina 1 at 3

Huwebes, Mayo 9, 2024

Magkaisa laban sa ChaCha ng elitista't dayuhan

MAGKAISA LABAN SA CHACHA NG ELITISTA'T DAYUHAN

nagrali muli sa harapan ng Senado
upang ang Charter Change ay tutulang totoo
banta iyang ChaCha ng elitista't dayo
sa kasarinlan, sa bayan at sa obrero

mga trapong elit ang nakaupo ngayon
sa iba't iba't matataas na posisyon
nais nilang distrungkahin ang Konstitusyon
para sa elitista't dayong korporasyon

nais nilang dayo'y mag-ari ng lupain,
masmidya, pampublikong serbisyo'y ariin
pati termino'y nais nilang palawigin
kaya ang bantayan sila'y ating tungkulin

tutulan, labanan, huwag pahintulutan
sandaang porsyento'y ariin ng dayuhan
magkaisa na laban sa mga gahaman
na iniisip ay sariling pakinabang

nagrarali kami upang isyu'y marinig
ng sambayanang tinatanggalan ng tinig
at magkaisa laban sa mapanligalig
na elitista't trapong dapat lang mausig

- gregoriovbituinjr.
05.09.2024

* salamat sa mga kasamang kumuha ng litrato
* kuha sa harap ng Senado

Martes, Mayo 7, 2024

Ayon kay Muhammad Ali

AYON KAY MUHAMMAD ALI

"Bakit ako pupunta ng Vietnam
upang kalabanin iyang Vietcong
di nila ako tinawag na hunghang
kaya di ako magtutungo roon."

"Di naman nila ako inaaway
at di ko rin sila mga kalaban..."
pag ipinadala, siya'y susuway
kapag pinilit ng pamahalaan

sabi ng dakilang Muhammad Ali
hinggil sa giyera ng Amerika
isipin mo, tama naman si Ali
kaya siya'y idolong aktibista

para sa kapayapaan ng mundo
para sa katarungang panlipunan
di lang sa boksing sa kanya'y saludo
kundi rin sa kanyang paninindigan

- gregoriovbituinjr.
05.07.2024

* litrato mula sa Legends of Boxing page sa pespuk, ika-7 ng Mayo 2024

Tanaga sa baybayin

TANAGA SA BAYBAYIN
(sinubukan po ng inyong lingkod na sulatin sa baybayin ang sumusunod na tanaga)

pulitikong gahaman
ay bentador ng bayan
huwag pagtiwalaan
ng boto sa halalan

- gregoriovbituinjr.
05.07.2024

* ang tanaga ay tulang katutubo na may isang saknong at may tugma at sukat na pitong pantig sa bawat taludtod

Linggo, Mayo 5, 2024

Ang kontraktwal, ayon sa editoryal ng Bulgar

ANG KONTRAKTWAL, AYON SA EDITORYAL NG BULGAR

kontraktwalisasyon nga'y talagang pahirap
sa mga manggagawang lagi nang kontraktwal
mga nangangasiwa'y sadyang mapagpanggap
dahil obrero'y ayaw nilang maregular

sa dyaryong Bulgar, editoryal nila ngayon
na kontaktwal ay tutulungan ng gobyerno
obrerong naglingkod ng higit sampung taon
sa gobyerno'y mareregular nang totoo

dapat may career service eligibility
at dapat ipasa ang civil service exam
at may mataas na puntos ang aplikante
nang sila'y maging Civil Service Professional

paano yaong nasa pribadong kumpanya
na kayrami ring kontraktwal na manggagawa
na kung nakaanim na buwan sa pabrika
ay dapat regular na ngunit  di magawa

anang editoryal, sana'y di ito budol 
dahil tulong na sa kontraktwal na kawani
tanggalin ang salot na kontraktwalisasyon
upang sa manggagawa'y tunay na magsilbi

- gregoriovbituinjr.
05.05.2024

* tula batay sa editoryal ng pahayagang Bulgar, ika-5 ng Mayo, 2024, pahina 4    

Retirement pay, nakuha matapos ang mahigit dalawang dekada

RETIREMENT PAY, NAKUHA MATAPOS ANG MAHIGIT DALAWANG DEKADA

tila obrero'y kaaba-aba
na dalawampu't lima'y patay na
mahigit nang dalawang dekada
nang retirement pay nila'y makuha

sandaan apatnapu't lima ring
manggagawa ng IBC-13
silang naghintay nang kaytagal din
upang retirement pay nila'y kamtin

marami sa kanila'y maysakit
kaya retirement pay magagamit
lalo sa panahong sila'y gipit
pambili ng gamot, maintenance kit

bakit kaytagal nitong umusad
higit dalawang dekadang singkad
ang nakalipas bago magbayad
itong kumpanya sa komunidad

ng obrerong nagsipagretiro
na dapat mabayarang totoo
pagpupugay sa mga obrero
kaytagal man, tagumpay din ito

- gregoriovbituinjr.
05.05.2024

* ulat mula sa pahayagang Abante, ika-5 ng Mayo, 2024, pahina 2

Sabado, Mayo 4, 2024

Payo sa isang naguguluhan

PAYO SA ISANG NAGUGULUHAN

magsulat ka ng tula, kaibigan
sakaling ikaw ay naguguluhan
problema'y tila walang kalutasan
suliranin mo'y walang katapusan

maaaring tula mo'y itago mo
o ibahagi sa iba kung gusto
o basahin mo ng malakas ito
at pakikinggan kita, katoto ko

magsulat ka nang may sukat at tugma
o kaya'y ng taludturang malaya
at damhin ang indayog ng salita
nanamnamin ko bawat talinghaga

isulat mo ang nasa puso't isip
bakit dapat na buhay mo'y masagip
mula sa hirap na di mo malirip
na tila ginhawa'y di mo mahagip

tumigil muna't magsulat sandali
bakit ba buhay ay pagmamadali
bakit laging nagbabakasakali
isulat mo saan ka namumuhi

magsulat ng magsulat ng magsulat
problema mo'y isulat ng isulat
ibuhos mo sa tula lahat-lahat
saka mo lamukusin nang maingat

bukas, buklatin mo ang tinula mo
maluwag na ba ang kalooban mo?
sana, ito'y nakatulong sa iyo
tula mo ba'y pwedeng ilathala ko?

- gregoriovbituinjr.
05.04.2024