Martes, Hulyo 25, 2023

Paumanhin kung tula'y nakabartolina

PAUMANHIN KUNG TULA'Y NAKABARTOLINA

pagpasensyahan na ninyo ang aking tula
na nakabartolina sa sukat at tugma
mahalaga nama'y ang naririyang diwa
bakasakaling mayroon kayong mapala

pagkat kinahiligan ko ang pagsusukat
nagbibilang ng pantig habang nagsusulat
tinitiyak kung nagtutugma ba ang lahat
hanggang madama na ang ngalay at pulikat

baka kaya bihira ang mag-like sa post ko
nauumay na sa tula ko, sa tulad ko
kaya paumanhin kung katha ko'y ganito
nakakalaboso sa iisang estilo

pag piniga ang utak ay agad lalabas
ang pawis at dugo gayong di naman pantas
habang pinapangarap ang lipunang patas
kung saan ang bawat isa'y pumaparehas

paumanhin kung tula'y nakabartolina
sa tugma't sukat, tila tinanikala pa
pag naramdaman ko ang presensya ng masa
sa anumang paksa'y palalayain sila

- gregoriovbituinjr.
07.25.2023

Linggo, Hulyo 9, 2023

KWF, gawing opisyal na tagasalin ng batas

KWF, GAWING OPISYAL NA TAGASALIN NG BATAS

gawing opisyal na tagasalin ng batas
ang ahensyang pangwika, at dapat iatas
doon sa Komisyon sa Wikang Filipino
mga batas sa Ingles, isa-Filipino

upang di maagrabyado ang mga dukha,
pesante, vendor, katutubo, manggagawa,
mangingisda, kababaihan, kabataan
bawat batas na apektado'y mamamayan

halimbawa na lamang ang UDHA at IPRA
na nasa Ingles, di maunawa ng masa
kung isinalin iyan sa wikang sarili
madaling maunawa, sa masa'y may silbi

dapat maisulat ang panukalang ito
at mapag-usapan sa Kongreso't Senado
lagdaan ng Pangulo upang maging batas
daan ito upang lipuna’y maging patas

- gregoriovbituinjr.
07.09.2023

* UDHA - Urban Development and Housing Act of 1992, Republic Act No. 7279
*IPRA - Indigenous Peoples' Rights Act of 1997, Republic Act No. 8371

Sabado, Hulyo 1, 2023

Salamisim

SALAMISIM

nais kitang puntahan
sa yungib ng kawalan
bakit lagi ka riyan
sa putik at karimlan?

nais kitang makita
at kukumustahin ka
agila ka pa rin ba?
o isa ka nang maya?

madalas ka raw lugmok
at walang maisuksok?
ginhawa'y di maarok
sa trabahong pinasok?

kahapon ay kahapon
iba na ang panahon
kaisa ka sa layon
kaya kita'y magtulong

lalaban tayong sabay
sa mga tuso't sinsay
sa apoy maglalantay
ang kamao't palagay

pahalikin sa lupa
ang gahamang kuhila
at iligtas ang dukha
sa palamara't linta

- gregoriovbituinjr.
07.01.2023