Martes, Disyembre 25, 2018

Ilang tanong ngayong kapaskuhan

ILANG TANONG NGAYONG KAPASKUHAN
(Hinggil sa mga biktima ng EJK)

ngayong Pasko ba'y may matatanaw silang hustisya?
sa sunod na taon ba'y tuloy ang pakikibaka?
may katarungan ba sa pinaslang na mahal nila?
maibabagsak ba ang mga berdugo't pasista?

karahasan ba'y wala na sa susunod na taon?
pamilya ng mga natokhang ba'y makakabangon?
o sa hinanakit at panlulumo'y mababaon?
o sa salitang "durugista" sila'y ikakahon?

mangyari kayang wala nang dahas at nandarahas?
mangyari kayang wala nang pambababoy sa batas?
mangyari kayang ang problemang ganito'y malutas?
mangyari kayang matigil na ang mga pag-utas?

- gregbituinjr., 25 disyembre 2018

Panawagan ngayong Pasko

PANAWAGAN NGAYONG PASKO

may lambong man ng ulap itong kapaskuhan
hangad ko'y hustisya sa pamilyang tinokhang
kapamilya nila'y basta na lang pinaslang
di nilitis, dinala na kay Kamatayan
ang hiling namin ngayong Pasko: KATARUNGAN!

may hustisya sana sa susunod na Pasko
igalang sana ang karapatang pantao
kung may sala, idaan sa wastong proseso
litisin, kung mapatunayan, kalaboso
ngunit huwag basta pumaslang ng kapwa mo!

- gregbituinjr., 25 disyembre 2018

Martes, Disyembre 11, 2018

3rd Human Rights Walk 2018

Nang pasimulan ko ang 10kilometer walk na ito noong Dec. 2016, kasama ang ilang kaibigan mula sa Climate Walk, inaabangan na taun-taon ng human rights community ang paglalakad na ito. Maraming salamat sa lahat ng nakiisa. Mabuhay kayo! ~ gregbituinjr.















Linggo, Disyembre 9, 2018

DeDe-eS


Dispalinghadong Disipulo Sila, ang DeDe-eS
Na pagsamba kay Digong ay sadyang walang kaparis
Ayaw ng wastong proseso’t anumang paglilitis
Gusto lagi'y pumaslang at mga dukha'y matiris.
 
Duguan, Dinurog Sadya yaong mga biktima
Ng pagtokhang nila sa mga maralitang masa
Atas iyon ng pangulong nalulong na sa droga
Nang dahil sa Fentanyl, ang utak nito'y pinurga.
 
Dinahas, Dugo'y Sumabog, mga dukha’y kinitil
Walang labang maralita'y walang awang binaril
Inatas iyon ng bastos na pangulong matabil
Na tulad niya'y mga elitistang mapaniil.
 
Diring Diri Sila sa mga tulad niyang bangag
Pangulong kung anu-ano ang ipinapahayag
Na tingin sa dukha'y tila hitong pupusag-pusag
Na kaydali lang patayin, pagkat di pumapalag.
 
Dede, Dodo, Suso, nais ng pangulong kuhila
Atas pa niya sa mga sundalo'y manggahasa
Nais ng pangulong ang babae'y mapariwara!
Di dapat mamuno ang pangulong kasumpa-sumpa!
 
DeDe-eS silang si Digong lamang ang panginoon
Sinasamba nila'y bangag na’t sa droga nalulong
Na sa Santong Fentanyl ay palaging bumubulong:
Anong gagawin kung sa droga siya na’y nagumon?
 
Ang Boss nila’y Diktador, Diyablong Sugo ng dilim
Na pinaggagawa sa bansa'y karima-rimarim
Ang bansa'y binagyo ng poot, hilakbot at lagim
Kaya maraming pamilya ang nagdusa’t nanimdim.
 
- tulanigregbituinjr.

Sabado, Disyembre 8, 2018

Joke, joke lang


JOKE, JOKE LANG SI DUTERTE
(Pasintabi sa Bee Gees)

I started a joke, which started the whole world crying,

"Papapatayin ko kayo", pangulo ba'y nagbibiro?
Binoto pa rin ng tao, bansa'y saan patungo?
Nagkalat sa lansangan ang mga bangkay at dugo
Ang tokhang ay naging tokbang, bumabasag ng bungo.

I started to cry, which started the whole world laughing,

Anya, joke, joke lang daw ang kanyang pagma-mariwana
At joke din pala ang kanyang pagje-jetski sa Tsina
Kung anu-anong sinasabi, epekto ng droga?
Fentanyl na ba ang sa utak niya'y nagdistrungka?

Til I finally died, which started the whole world living,

Kailan mamamatay itong baliw na pangulo
Na pinaslang ang mga dukha't taong ordinaryo
May banta pa ngayong paslangin ang mga Obispo
Dahil sa drogang fentanyl, nasira na ang ulo!

Oh, if I'd only seen that the joke was on me.

Pag natapos na ang pagkapangulo ni Duterte
Tiyak ikakalaboso siya ng laksang naapi
Ilang taon na lang, di na siya ang presidente
Baka kantahin na niya ang "that the joke was on me"

- gregbituinjr.

Biyernes, Disyembre 7, 2018

Huwag ninyong susundin ang inyong kumander-in-cheap



huwag ninyong susundin ang inyong kumander-in-cheap
kung pawang dahas ang laging laman ng kanyang isip
kung paggalang sa proseso'y balewala, sa halip
ang solusyon sa problema'y pagpaslang, di pagsagip

sa kumander-in-cheap ninyo'y huwag kayong susunod
kung sa bansang Tsina'y pilit tayong pinaluluhod
kung sa agawan ng teritoryo'y napipilantod
kung ang obrero'y di mabigyan ng tamang pasahod

huwag sundin ang kumander-in-cheap na laging bangag
na laging ginigipit ang mga mamamahayag
na pinapaslang ang mga nanlaban o pumalag
imbes may wastong proseso'y sila pa ang lalabag

iyang kumander-in-cheap ninyo'y huwag ninyong sundin
kung siya ang unang lumalabag sa batas natin
kung siya'y walang budhi, sinuma'y nais patayin
di kayo robot, kayo'y taong may dangal na angkin

- gregbituinjr.

Martes, Disyembre 4, 2018

Di lang mapatalsik, ibiting siyang patiwarik

si Erap Estrada'y pinatalsik ng taumbayan
dahil sa pagsusugal at mga katiwalian
si Digong Duterte'y dapat patalsikin din naman
dahil sa mga salang krimen sa sangkatauhan

kung si Erap nga'y napatalsik, bakit di si Digong?
na sira na ang ulo, sa fentanyl na'y nalulong
pagpaslang sa dukha't banta sa pari'y pinausbong
sa katarantaduhan niya, tayo'y di uurong!

bakit nasa pwesto pa rin ang mamamatay-tao?
dahil ba sa tindi ng takot sa gagong pangulo?
pinaslang ang dukha't tambay, may banta sa Obispo
dapat lang patalsikin ang pangulong sira-ulo!

walang galang sa proseso ang kampon niyang pulis
paslang ng paslang nang walang proseso't paglilitis
dahil sa fentanyl, pangulo'y naging utak-ipis
atas sa sundalo'y manggahasa ng walang mintis

kung yaong tulad ni Erap Estrada'y pinatalsik
dapat patalsikin din si Duterteng sadyang adik
nagmamariwana, utak niya'y sa droga siksik
di lang mapatalsik, ibitin siyang patiwarik!

- gregbituinjr.

Martes, Nobyembre 27, 2018

Mabuhay ang Human Rights Pinduteros!

Maalab na pagbati sa Human Rights Pinduteros
na pagtatanggol sa karapatan ay lubos-lubos
tuloy ang pakikibaka kahit na kinakapos
saksi kayo sa mga gawaing kalunos-lunos
ng rehimeng itong karapatan na'y binabastos

marami na ang napapaslang ng rehimeng ito
walang due process at paglilitis, ito ba'y wasto?
basta ba dukha, yuyurakan na ang pagkatao?
basta ba babae, babastusin na nilang todo?
ang namumuno na ba'y mistulang isang demonyo?

Mga ka-Pinduteros, ituloy natin ang laban!
ipakitang ang lahat ng tao'y may karapatan
ipakita nating due process ang tamang saligan
kung nagkasala at di basta na lang pinapaslang
karapatang pantao'y kilalanin at igalang

sugat na nilikha ng rehimen ay anong lalim
kaya di na dapat patagalin pa ang rehimen
ng pangulong kung mag-isip ay karima-rimarim
dapat nang palitan ang berdugong anghel ng dilim
dapat nang ibagsak ang pangulong sugo ng lagim

- gregbituinjr.
* kinatha at binasa sa 8th Human Rights Pinduteros Awards Night, Nobyembre 27, 2018, Prime Hotel, Sgt. Esguerra, Lungsod Quezon

Lunes, Nobyembre 12, 2018

Ang mabuhay sa panahon ng batas militar

"Buhay na ba kayo noong panahon ng martial law?
Kung hindi, bakit martial law ay tinutuligsa n'yo?"
Tanong ng maka-Marcos na animo'y bibong-bibo
Pagkat dinanas daw niya'y pag-unlad na totoo.

Aniya, "Martial law ay nagdulot ng kaunlaran.
Saliksikin n'yo ang mga ulat sa pahayagan.
Walang mga kriminal at payapa ang lansangan.
Tao'y matitino at disiplinado ang bayan."

Ang tanong namin, "Naniniwala ka ba kay Kristo?
At kay Magellan na nakalaban ni Lapulapu?
Kilala mo ba sina Rizal, Luna, Bonifacio?
Nabuhay ka na ba sa panahon ng mga ito?"

Tiyak sagot mo'y di ka buhay sa panahon nila.
At wala pa sa sinapupunan ang iyong lola.
Kaya martial law ay huwag mo nang ipagyabang pa
Kayraming tinagong dahas, libu-libo'y biktima.

Kontrolado ng diktador ang radyo't pahayagan
Telebisyon, militar, pulis, negosyo't hukuman.
Karahasan nitong martial law'y tinagong tuluyan
At dinahas ng diktadura ang mga lumaban.

Dinukot, piniit, hinalay, nawala, pinatay.
Kayrami nang naulila't hustisya'y hinihintay.
Martial law ay huwag hayaang maulit pang tunay
Upang sakripisyo nila'y di mawalan ng saysay.

- gregbituinjr.

Sabado, Nobyembre 10, 2018

Pagpupugay sa ika-2 anibersaryo ng Block Marcos

PAGPUPUGAY SA IKALAWANG ANIBERSARYO NG BLOCK MARCOS

taas-kamaong pagbati'y inaalay kong lubos
sa ikalawang anibersaryo nitong Block Marcos
mabuhay ang mga kasamang tuloy sa pagkilos
na ang pagharang sa diktadura sa puso'y tagos

di mapigil ang paghiyaw ng "Hukayin! Hukayin!"
sa Libingan ng Bayani'y may pekeng nakalibing
nakakasukang diktador na naghasik ng lagim
bayan ng mga bayani'y kailan magigising

"Hukayin! Hukayin" ay di lamang isang islogan
kundi ito'y misyon nating sadyang makabuluhan
pagkat nais nating maiwasto ang kasaysayan
at huwag payagang patuloy itong mayurakan

O, Block Marcos, taas-kamaong pagbati sa iyo
at patuloy kang matatag sa tangan mong prinsipyo
darating din ang araw na mananalo rin tayo't
mahuhukay ang labi ng diktador na dorobo

- gregbituinjr., 10 Nobyembre 2018