Biyernes, Oktubre 30, 2015

Panahon ng lupit, panahong di ligtas

PANAHON NG LUPIT, PANAHONG DI LIGTAS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

taun-taon na lang, tuwing sumasapit ang undas
naaalala’y kasama’t mahal na nangawala
sa panahong karapatan ay binabalasubas
ng diktadura't pasistang animo'y isinumpa
ah, panahon iyon ng lupit, panahong di ligtas
nang aktibista'y nakibaka para sa paglaya
ngunit pilit dinukot ng mga pasista't hudas
ang buhay nila't pagkatao’y tuluyang nasira

hanggang ngayon, walang mukha ang desaparesido
katawan nila o bangkay ay di pa matagpuan
deka-dekada't nagpalit-palit ng kalendaryo
kahit dukha pa rin mayroon na raw kaunlaran
ngunit para lang sa iilan, patuloy ang gulo
globalisasyon, pribatisasyon ang kasagutan
magsasaka'y walang lupa, aklasan ng obrero
tuliro pa rin magpalakad ang pamahalaan

habang patuloy pa rin itong aming paghahanap
sugat ng panahon ay patuloy na lumalatay
katarungan naming asam ay tunay na kay-ilap
aming mahal kaya'y saang lupalop napahimlay
may pag-asa pa kayang ang hustisya'y mahagilap
para sa mga nawala naming mahal sa buhay
iisa lamang ang natitira naming pangarap
ang makita silang muli kahit isa nang bangkay

Martes, Agosto 4, 2015

Ang pagkilos ni Monique Wilson para sa karapatan ng kababaihan

ANG PAGKILOS NI MONIQUE WILSON PARA SA KARAPATAN NG KABABAIHAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Natuwa ako sa pamagat ng isang sulatin hinggil sa artistang si Monique Wilson. Ayon sa pamagat, "EXCLUSIVE: Monique Wilson focuses on women’s rights instead of showbiz" na sinulat ni Jeff Fernando para sa ABS-CBN. Makikita ito sa kawing na http://push.abs-cbn.com/features/25189/exclusive-monique-wilson-focuses-on-womens-rights-instead-of-showbiz/. Naibahagi ang kawing na ito sa facebook.

Bakit ako natuwa? Dahil napaisip ako kung ano talaga ang dahilan kung bakit nakikibaka siya para sa karapatan ng kababaihan. Sa pamagat pa lang, ang una kong naisip ay ang naging papel niya sa pelikulang Laro sa Baga kung saan naging asawa niya ang bidang lalaking si Carlos Agassi, ngunit inapi siya nito at iniwan. Ang ginawa niya ay hiniwa niya ang ari ng lalaki habang ito'y natutulog. Bida sa pelikulang ito ang magandang si Ara Mina.

Ang eksenang iyon ang agad pumasok sa utak ko, dahil marahil matindi ang dating ng eksenang iyon sa kanya bilang babae, bilang kasintahan, bilang asawa, bilang tagapagtanggol ng karapatan ng kababaihan. Sa pelikula, niligawan ni Ding (Agassi) si Emy (Wilson), at nabuntis ang babae. Dahil dito'y ikinasal sila sa pamamagitan ng shotgun wedding, kung saan ang ama ng babae na pinapelan ni Dick Israel ang siyang pasimuno.

Matindi ang sekwal sa pelikula, lalo ang pang-aabusong sekswal, pagkat hindi lang ito nakapaikot kina Ara Mina (Dee) at Carlos Agassi (Ding), kundi sa ina ni Ding na si Angel Aquino, dahil sa bandang huli, ang libog ng lalaki'y pinaraos niya sa kanyang ina. Ang ganitong pelikulang may mga gawad parangal ay nakapagpapaisip ng malalim, lalo na sa kababaihan, kaya naisip ko ang matinding impresyon nito kay Monique.

Binasa ko ang balita, si Monique Wilson ay isa nang Global Coordinator ng One Billion Rising at walang tigil ang kanyang pagbisita sa iba't ibang bansa para sa mga proyekto nila. Sinabi ni Monique sa panayam, "Nakakakuha ako ng energy sa mga communities talaga. You know our amazing community nanays and the young people sa community, you know lahat ng issues na ipinaglalaban natin for One Billion Rising are their daily reality." 

At idinagdag pa niya, "Yung calling na talagang nasa loob ko na to really serve more kasi you know what, I’ve been in show business for how long ang tagal tagal na. I’ve been in the theater since I was nine. I feel so blessed with my career ang dami ko na nagawa kaya it’s time to give back. Sometimes nami-miss ko talaga pero mababalikan mo naman lahat ‘yan, ‘di ba? I’m only 44 so feeling ko rin there’s so much you can do if you go back pero ang mga urgency ng mga issues ngayon concerning women and girls it cannot wait na.”

Hinanap ko kung babanggitin niya na isa sa nakapagpamulat sa kanya ang papel niyang ginampanan sa pelikulang Laro sa Baga bilang inaping asawa ngunit wala. Marahil ay nasa ibang panayam, o marahil ay wala. Ngunit palagay ko'y isa sa nakapagmulat sa kanya ang kanyang papel sa pelikula. Kaya naiisip ko na lang na marahil, may diin sa kanyang diwa ang danas at aral ng kanyang papel sa pelikulang iyon upang kumilos para sa karapatan ng kababaihan. Ang pelikulang Laro sa Baga ay mula sa nobela ng namayapang batikang manunulat at nobelistang si Edgardo M. Reyes. Si Reyes ang isa sa limang tungkong kalan ng pangkat na Mga Agos ng Disyerto, isang samahan ng mga kwentistang makamasa, na nagdiwang ng kanilang ika-50 o ginintuang anibersaryo nitong 2014. 

Napanood ko ang pelikulang Laro sa Baga, hindi sa sinehan, kundi sa isang parangal at pagtitipon ng mga taong umiidolo kay Edgardo Reyes ilang araw o linggo pagkamatay nito. Doon ko nakadaupang-palad ang dalawa pang natitirang kasapi ng Mga Agos sa Disyerto, ang mga manunulat na sina Efren Abueg at Rogelio Ordoñez.

Kung ang papel ni Monique Wilson sa pelikulang Laro sa baga ang isa sa nakapagmulat sa kanya sa pakikibaka para sa karapatan ng kababaihan, nakita ko naman ang papel ko bilang manunulat bilang tagapagkwento ng mga totoong nangyayari sa lipunan at bilang impluwensiya sa mga mambabasa upang kumilos, lalo na sa pakikibaka para sa ating karapatan. Hindi ko man natagpuan ang aking hinahanap sa artikulo, ang maisip lamang na marahil ay isa ang Laro sa Baga sa nakaimpluwensiya kay Monique ay sapat na upang aking pagbutihin ang bawat pagkatha ng kwento, sanaysay at tula.

Maraming salamat, Monique, dahil isa kang inspirasyon sa maraming kababaihan, lalo na sa estado mo bilang isang internasyunal na aktres. Mabuhay ka at ang iyong pagkilos para sa kababaihan.

Ang kababaihan ang kalahati ng daigdig. At sabi nga sa Kartilya ng Katipunan na itinaguyod ng mga bayaning sina Andres Bonifacio at Emilio Jacinto: "Ang babae ay huwag mong tingnang isang bagay na libangan lamang, kundi isang katuwang at karamay sa mga kahirapan nitong buhay; gamitin mo nang buong pagpipitagan ang kanyang kahinaan, at alalahanin ang inang pinagbuhatan at nag-iwi sa iyong kasanggulan.” Halina't bigyan natin ng pantay na pagtingin ang lalaki't babae, at ang lahat ng tao, at igalang ang bawat isa. Sadyang mahalaga ang pagpapakatao at pakikipagkapwa-tao. At ito, sa wari ko, ang nais sa ating ipaabot ni Monique Wilson.

Sabayan natin ang mga kababaihan sa kanilang pagkilos para sa pantay na karapatan, hindi lamang tuwing Marso 8, na Pandaigdigang Araw ng Kababaihan (International Women's Day), hindi lamang tuwing Nobyembre 25, Pandaigdigang Araw Upang Mapawi ang Karahasan Laban sa Kababaihan (International Day for the Elimination of Violence Against Women), kundi sa bawat araw na sila'y ating nakakasalamuha.

Panghuli, isa pa kung bakit natuwa ako kay Monique ay dahil sa kanya ipinangalan ng nakatatanda kong kapatid na babae ang ikalawa niyang anak na babae, na pamangkin ko at inaanak na si Monique. Ipinangalan iyon sa kanya ng aking Ate dahil idolo siya ni Ate sa kanyang pag-awit, dahil pareho rin silang maganda ang tinig at magaling umawit.

Martes, Hulyo 7, 2015

Dukhâ man, may karapatan ding angkin

DUKHÂ MAN, MAY KARAPATAN DING ANGKIN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

mga basura yaong turing sa kanila
wala raw alam sa buhay at ekonomya
mga basurang sa mundo'y nananalasa
dukha sa ilalim ng ganitong sistema

kasalanan ba nilang sila'y naging tao
na kahirapan ang nakagisnan sa mundo
nagkataong nabuhay sa kapitalismo
na kahit masipag ay di umaasenso

hampaslupa, mga basura, batang hamog
sa kagutuman, tiyan nila'y nabubugbog
sa karukhaan, katawan pa'y nalalamog
sa nangyayari'y kanino sila dudulog?

lumalaki silang walang pinag-aralan
inaaral lang ay sariling karanasan
sa magiging anak, anong kinabukasan?
kung ang nangyayari'y palagi na lang ganyan

buong buhay nila'y dinaanan ng sigwa
minsan masaya, kalakhan ay pulos luha
pangarap din nila ang buhay na marangya
upang makaalpas naman sa pagkadukha

mga anak sana'y di danasin ang hirap
wala mang edukasyon, sila'y nagsisikap
pilit ginagagap ang karanasang lasap
pilit inuunawa ang lipunang ganap

mga basura yaong turing sa kanila
wala raw alam sa buhay at ekonomya
ngunit alam nila yaong buhay ng masa
at bakit dapat lumahok sa pulitika

itatakwil nila ang tusong pulitiko
pangarap nila ang totoong pagbabago
matitinô lang ang kanilang iboboto
makikipagkaisa sa uring obrero

mga basura man ang sa kanila'y turing
sa bilang nila, ang mundo'y babaligtarin
sila'y dukha man, may karapatan ding angkin
upang lipunan ay tuluyan nang baguhin

Sabado, Abril 25, 2015

Mga David ng maralita

MGA DAVID NG MARALITA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

maraming David sa aming mga mahihirap
nakahandang humarap sa maraming Golayat
na nais wasakin ang aming mga tahanan
huwag magtaka kung bato'y aming pananggalang

pabahay ay karapatan naming maralita
bakit nila kami pinalalayas ng lubha
sa mundong ito, maging dukha ba'y isang sumpa
bakit ba kami tinataboy na parang daga

tama lamang magtanggol kami pag ginigipit
lalaban pag karapatan ay pinagkakait
tulad ni David, bato’y tangan naming mahigpit
malalaking Golayat ay duduruging pilit

armado man ang mga Golayat na may sungay
at David kaming bato lang ang armas na taglay
may karapatan din kaming dukha sa pabahay
at ang tahanan nami'y ipaglalabang tunay

titigil din itong bato naming mga David
kung kami'y di na gigipitin at igigilid
igagalang itong karapatan naming batid
nitong gobyerno't mga taong di naman manhid

Huwebes, Marso 12, 2015

Bantayog ng mga Bayani: Isang Pagninilay

BANTAYOG NG MGA BAYANI: ISANG PAGNINILAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

kayraming pangalang doon ay nakaukit
ngalan ng namayapang may prinsipyong bitbit
mga aktibistang inalay yaong buhay
para sa bukas ng bayang inaping tunay
nabuhay sila noong panahon ng unos
namatay silang ang adhikain ay taos
kumilos noon upang bayan ay lumaya
mula sa mga ganid at trapong kuhila
kanilang dugo'y nabubo sa lupang tigang
ipinagtanggol ang bayan sa mga halang
nilabanan ang diktadurang ala-Hitler
nakibaka sila't itinuring na martir
estado'y gumanti, dala nito'y bangungot
ngunit ang bayan ay di marunong lumimot
mga sakripisyo sa panahong ligalig
ay dapat ikwento sa bayang iniibig
itinayo ng bayan ang isang bantayog
bilang alaala sa buhay nilang handog
naukit sa bantayog ang mga pangalan
nilang mga bayani ng lupang hinirang