Sabado, Oktubre 12, 2013

Ang dokumentaryong "Dear Mandela" ng CineMaralita

 ANG DOKUMENTARYONG "DEAR MANDELA" NG CINEMARALITA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Oktubre 10, 2013, Huwebes, umaga, nang makita ko sa facebook ang patalastas sa dokumentaryong "Dear Mandela" na "free admission" o libre ang palabas. Ipapalabas ito sa UP Threatre sa Diliman, dalawang sakay lamang sa tinutuluyan ko. Kinagabihan, ikapito ng gabi, naroon na ako upang panoorin ang palabas.

Dahil lamang sa pamagat na "Dear Mandela" kaya ako nagtungo roon, na sa tingin ko ay tungkol sa buhay ni Nelson Mandela, ang presidente ng Katimugang Africa. Ngunit nagkamali ako, hindi pala iyon tungkol kay Mandela kundi sa mga maralita sa Africa na naipanalo nila ang kanilang laban.

Nagkamali lang ako dahil sa pamagat, ngunit maganda na nakatungo ako roon dahil din sa isyu ng maralita. Isa sa pinanggalingan kong organisasyon ay samahang maralita - ang Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod o KPML. Napunta ako ng KPML hindi dahil nanggaling ako sa isang lugar na dinemolis, kundi dahil doon ako napunta mula sa grupong Sanlakas. Kinuha ako ng KPML, ni Ate Emy, upang maging manunulat ng KPML dahil nag-resign na ang dating manunulat nila sa kanilang pahayagan.

Kaya ang pag-aakala ko sa pamagat ay hindi naman nakadismaya sa akin, kundi mas nagdagdag pa ng panibagong kaalaman. Kumbaga, may kaugnayang sadya sa aking adbokasya at sa adbokasya ng KPML, lalo na sa karapatan sa paninirahan at pagbaka sa mga maling polisiyang basta na lamang itinataboy na parang daga ang mga maralita sa kanilang tinitirhan nang walang maayos na proseso at kawalan ng paggalang sa kanilang karapatan bilang tao.

Ang "Dear Mandela" ay dokumentaryo tungkol sa mga maralita sa Durban sa Katimugang Aprika at ang kanilang pakikibaka para sa isang maayos na paninirahan. Ang ginamit na halimbawa rito ng mga maralita, lalo na ang mga kabataan, ay ang mga halimbawa ni Nelson Mandela kung paano lumaban at ipanalo ang kanilang laban.

Nang ang pamahalaan ng Katimugang Aprika ay nangakong aalisin ang mga iskwater at itataboy sila sa malalayong lugar, malayo sa lungsod, tatlong magkakaibigan ang tumangging umalis. Ito'y sina Mazwi, Mnikelo, at ang babaeng si Zama, na siyang mas pinagtuunan ng pansin ng dokumentaryo. Mga bahay na giniba, mga pagbabanta, mga pagkilos sa korte, pinangunahan ng ilang kabataan ang pagtindig sa kanilang karapatan sa paninirahan bilang patunay ng lakas ng taumbayan kung magsasama-sama. Tinawag ang kilusan nila na Abahlali baseMjondolo (residents of the shack, o yaong mga naninirahan sa mga barungbarong sa kanilang lugar). Ngunit kaiba ang tirahan nila sa barungbarong ng Maynila, dahil nakatira sila sa malalaking gusaling maraming mga silid, at bawat silid ay tirahan ng bawat pamilya. 

Mula sa kanilang tahanang ito na nais silang mapaalis hanggang sa pinakamataas na korte, iginiit ng mga maralitang kabataang ito ang halimbawa ni Mandela at pinamunuan nila ang isang lumalaking kilusang nagtatanggol sa kanilang karapatan. 

Gayunman, ang pagtingin ng tatlong kabataang ito, hindi natupad ng partido ni Mandela, ang ANC (African National Congress) ang kanilang pangakong pagbabago. Dahil na rin ito sa pagkakasabatas ng "Slums Act" na nagligalisa sa ebiksyon at demolisyon, at nalabag ang karapatang nakaukit sa Saligang Batas ng kanilang bansa. Sa tulong ng mga abogadong pro bono o yaong hindi nagpabayad ng serbisyo, hinamon nila ang katumpakan ng "Slums Act" hanggang sa umabot sila sa pinakamataas na korte.

Ngunit napakaraming sakripisyo ang kanilang dinaanan. Nariyan ang demolisyon, tangkang pagpatay sa kanila, at pagsasamantala sa kanila ng pamahalaan, ngunit naging matatag sila sa mga pagsubok na iyon. 

Sa bandang huli ng palabas, nanalo sila sa korte at hindi napaalis. Ipinakita ng dokumentaryo ang malaking papel na ginagampanan ng mga kabataan sa pagbabago ng kanilang kalagayan.

Ang mga direktor ng "Dear Mandela" ay sina Dara Kell at Christopher Nizza. Ang dokumentaryong ito'y nanalo ng Grand Chameleon Award & Best Documentary sa Brooklyn Film Festival noong 2012. isa't kalahating oras o 90 minuto ang haba ng dokumentaryong ito.

Umuwi akong nasa isipan ang kanilang tagumpay, at nagdagdag sa akin ng inspirasyon na magpatuloy sa mga gampanin sa KPML at ipagtanggol ang karapatan ng mga maralita sa paninirahan sa pamamagitan ng makatarungang pamamaraan at malalim na paninindigan.

Biyernes, Oktubre 11, 2013

Ang Limang Pandaigdigang Deklarasyon sa Kababaihan


ANG LIMANG PANDAIGDIGANG DEKLARASYON SA KABABAIHAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sa Pilipinas, ang kadalasang malakihang raling nagaganap taun-taon ay tuwing Marso 8 (Pandaigdigang Araw ng Kababaihan), Mayo 1 (Pandaigdigang Araw ng Paggawa), SONA (State of the Nation Address) tuwing ikaapat na Lunes ng Hulyo, at ang Nobyembre 30 (Kaarawan ng bayaning si Gat Andres Bonifacio). Sa dalawang pandaigdigang araw na nabanggit, wala ang Mayo Uno bilang Pandaigdigang Araw ng Paggawa sa kalendaryo ng Nagkakaisang Bansa (United Nations). Bakit kaya? 

Gayunman, nakatala roon ang Marso 8 bilang Pandaigdigang Araw ng Kababaihan. At hindi lamang isang deklarasyon hinggil sa kababaihan ang nasa kalendaryo ng UN, may iba pa. At ito'y ang Pandaigdigang Araw ng mga Balo o Biyuda (International Widows' Day) tuwing Hunyo 23, ang Pandaigdigang Araw ng mga Kababaihan sa Kanayunan (International Day of Rural Women) tuwing Oktubre 15, ang Pandaigdigang Araw para sa Pagpawi ng Karahasan sa Kababaihan (International Day for the Elimination of Violence Against Women) tuwing Nobyembre 15, at ang pinakabago'y ang Pandaigdigang Araw para sa Batang Babae (International Day for the Girl Child) tuwing Oktubre 11.

Napakahalaga ng mga deklarasyong ito hinggil sa kababaihan, dahil halos kalahati ng populasyon ng mundo ay pawang mga babae. Pinahahalagahan natin ang mga babae dahil bawat isa sa ating narito sa kasalukuyan, maging ang ating mga ninuno, ay nanggaling sa tiyan ng bawat ina, babae.

Isa-isahin natin ang kasaysayan o pinanggalingan ng pagdedeklara ng araw na ito.

Marso 8

Mga sosyalista ang nagpasimula ng Pandaigdigang Araw ng Kababaihan (International Women's Day). Gayunman, sari-sari ang mga petsa bago naitalaga ang Marso 8 bilang Pandaigdigang Araw ng Kababaihan. Noong 1909, ang unang Pambansang Araw ng Kababaihan ay pinagdiwang sa Estados Unidos sa petsang Pebrero 28. Itinalaga ang petsang ito ng Sosyalistang Partido ng Amerika bilang parangal sa welga ng kababaihang mananahi sa Nuweba York, kung saan nagprotesta ang mga kababaihan laban sa hindi magandang kalagayan sa pabrika. Noong 1910, sa pulong ng Pandaigdigang Sosyalista (Socialist International) na dinaluhan ng mahigit 100 kababaihan mula sa 17 bansa, idineklara nila ang isang Araw ng mga Kababaihan na pandaigdigan ang sakop, bilang parangal sa mga kilusan para sa karapatan ng kababaihan at upang makamit ang karapatan ng kababaihang maghalal at mahalal. Ginamit din ang Pandaigdigang Araw ng Kababaihan bilang mekanismo upang iprotesta ang Unang Daigdigang Digmaan (WWI). At noong Marso 8 ng 1917 sa Rusya, nagprotesta't nag-aklas ang mga kababaihan para sa "Pagkain at Kapayapaan" na tumapat sa Marso 8 sa kalendaryong Gregorian, bagamat ginagamit ng Rusya sa panahong iyon ay kalendaryong Julian na tumapat sa Pebrero. Noong 1975, na siyang Pandaigdigang Taon ng Kababaihan (International Women's Year), sinimulan nang ipagdiwang ng UN ang Pandaigdigang Araw ng Kababaihan tuwing Marso 8. 

Hunyo 23 

Ayon sa tala ng UN, libu-libong kababaihan ang mga nakaligtas sa dyenosidyo sa bansang Rwanda noong 1994 (1994 Rwandan genocide), mga kababaihang pawang namatayan ng asawa dahil sa digmaan. Lahat ay matinding natigatig, marami ang nagahasa, ang ilan ay nagkaroon ng HIV at marami sa kanila ang nakasaksi sa pagpatay sa kanilang pamilya. Mula 1994, nakikibaka na ang mga babaeng ito at ang mga organisasyong tumutulong sa kanila upang mabago ang pakikitungo sa mga kababaihan sa Rwanda, itinaguyod ang pagkakaroon ng madaliang pagkakaroon ng serbisyong medikal, pinansyal at pagpapayo, pati na rin pagbabago sa mga batas hinggil sa pag-aari, kasal, at karapatan sa mana ng kababaihan. Mula sa mga pangyayaring ito, idineklara ng Pangkalahatang Kapulungan ng Nagkakaisang Bansa o PKNB (UN General Assembly) nitong Disyembre 21, 2010, sa pamamagitan ng Resolusyon Bilang 61/189, ang Hunyo 23 ng bawat taon bilang Pandaigdigang Araw ng mga Balo o Biyuda (International Widows' Day). Ayon kay UN Sec Gen. Ban Ki-moon,"Walang babaeng dapat mawalan ng karapatan pag namatay ang kanyang asawa - ngunit tinatayang 115 milyong balo o biyuda ang nabubuhay sa karalitaan, at 81 milyon naman ang pisikal na naaabuso. Maaaring mangyari rin ito sa mga babaeng may asawang mas matatandang lalaki. Gamitin natin ang Pandaigdigang Araw ng mga Balo o Biyuda upang itaguyod ang karapatan ng lahat ng mga balo o biyuda upang gumaan ang kanilang buhay at mapagtanto nila ang kanilang malaking kakayahang makapag-ambag pa sa ating daigdig.

Oktubre 11

Nitong Disyembre 19, 2011, sa ika-89 na pulong plenaryo ng Pangkalahatang Kapulungan ng Nagkakaisang Bansa (UN General Assembly) ay pinagtibay ang resolusyon Bilang 66/170 na nagdedeklarang ang Oktubre 11 ng bawat taon ay Pandaigdigang Araw ng Batang Babae (International Day of the Girl Child). Ito'y bilang pagkilala sa karapatan ng mga batang babae at sa mga panibagong hamon na kanilang kakaharapin, pagtataguyod ng kakayahan ng mga batang babae, at pagtiyak na ang kanilang karapatan ay tunay na nasasaalang-alang. Kinikilala ng UN na may mga diskriminasyon pa ring nangyayari sa mga batang babae sa maraming panig ng mundo. 

Bagamat ang karapatan ng mga batang babae ay nakapaloob na sa Convention on the Rights of the Child, at sa paglaki nila'y sa iba pang pandaigdigang deklarasyon ng kababaihan, hindi sila hiwalay o hindi dapat inihihiwalay sa karapatan ng kababaihan sa kabuuan, ngunit binibigyang diin lamang o pokus ang mga batang babae sa deklarasyong ito, lalo na sa aspekto ng edukasyon, at karapatan ng mga bata. 

Oktubre 15

Noong Disyembre 18, 2007, sa pamamagitan ng Resolusyon 62/136, pinagtibay ng Pangkalahatang Kapulungan ng Nagkakaisang Bansa (UN GA) ang pagtatalaga sa Oktubre 15 bawat taon bilang Pandaigdigang Araw ng Kababaihan sa Kanayunan (International Day of Rural Women). Ito'y bilang pagkilala sa matinding papel at ambag ng mga kababaihan sa kanayunan, kasama na ang mga lumad o katutubo, sa paglilinang ng kaunlaran sa agrikultura at nayon, pagpapaunlad ng seguridad sa pagkain, at pagpawi ng kahirapan sa kanayunan. Ang tema ng ika-57 sesyon ng Komisyon sa Kalagayan ng Kababaihan (nitong Marso 4-15, 2013) ay: "Pagpawi at pagpigil sa lahat ng uri ng karahasan laban sa mga kababaihan at batang babae."

Nobyembre 25

Noong 1960, pinaslang ng diktadurya ni Rafael Trijillo ang tatlong magkakapatid na babaeng sina Patria Mercedes Mirabal (Pebrero 27, 1924-Nobyembre 25, 1960), María Argentina Minerva Mirabal (Marso 12, 1926-Nobyembre 25, 1960), at Antonia María Teresa Mirabal (Ocktubre 15, 1935-Nobyembre 25, 1960). Ang natira na lamang sa magkapatid ay si Bélgica Adela "Dedé" Mirabal-Reyes (isinilang - Marso 1, 1925). Mula 1981, idineklara na ng mga kababaihang aktibista ang Nobyembre 25 bilang araw laban sa karahasan. Noong Disyembre 20, 1993, pinagtibay ng PKNB ang Resolusyon Blg. 48/104 na siyang Pahayag para sa Pagpawi ng Karahasan sa Kababaihan (Declaration on the Elimination of Violence against Women).Naging ganap itong pandaigdigang araw noong Disyembre 17, 1999 sa pamamagitan ng Resolusyon 54/134 ng Pangkalahatang Kapulungan ng Nagkakaisang Bansa nang ideklara nito ang Nobyembre 25 ng bawat taon bilang Pandaigdigang Araw para sa Pagpawi ng Karahasan sa Kababaihan (International Day for the Elimination of Violence against Women).

Ilang pagninilay

Bagamat halos lahat ng deklaradong pandaigdigang araw sa UN ay pangkalahatan, babae man o lalaki, ang mga pandaigdigang araw para sa kababaihan ay hindi lamang para sa mga babae, kundi para rin sa kalalakihan, upang magkaunawaan ang bawat isa. Binigyang diin lamang dito ang pagtataguyod sa karapatan ng kasariang sa matagal na panahon ng pagsulong ng lipunan ay napabayaan at halos hindi natatamasa ang kanilang karapatan.

Sa palagay ko, dapat isama rin ang Mother's Day sa mga pandaigdigang deklarasyon, pagkat wala pa ito sa talaan ng United Nations. Gayunman, bagamat ito'y hindi pa nakaukit sa pandaigdigang deklarasyon, tiyak na nakaukit ito sa puso ng bawat isang nagmamahal sa ating mga ina.

Sa Pilipinas ngayon, mas kilala ng kababaihan ang Marso 8 bilang Pandaigdigang Araw ng Kababaihan dahil taon-taon itong ginagawa. Kita ito sa malalaking rali ng kababaihan sa araw na ito. Bago lamang ang ilan pang deklarasyon. Bagamat nasimulan na rin sa Pilipinas ang pagkilala sa Nobyembre 25 ay bihira pa rin ang nakakaalam ng araw na ito. Gayunman, nasimulan na rin ilang taon na ang nakararaan ang mga malawakang pagkilos ng kababaihan pag sumasapit ang Nobyembre patungong Mendiola, sa lugar ng makasaysayang protesta. 

Bagamat bago pa lamang ang deklarasyon ng Oktubre 11 para sa mga batang babae, Oktubre 15 para sa mga babae sa kanayunan, at Hunyo 23 para sa mga biyuda, dapat bigyan din ang mga petsang ito ng kapantay na halaga, tulad ng Marso 8 at Nobyembre 25. Kailangan din itong gunitain bilang pagkilala sa mga babae, anuman ang katayuan nito sa buhay, bilang pantay ng lahat ng tao sa karapatan at hindi dapat nakakaranas ng karahasan. Kailangan pa ang mga deklarasyong ito sa ngayon habang marami pang nagaganap na karahasan sa kababaihan bilang paalala sa bawat isa ang paggalang sa karapatang pantao.

Ang mga pandaigdigang araw na ito ng mga kababaihan ay hindi lamang dapat kababaihan ang gumunita at magsikilos, kundi kaming mga kalalakihan din. Pagkat ang bawat karapatan ay dapat tamasahin ng lahat ng tao, anuman ang kanyang kasarian upang matiyak nating ang daigdig na ito'y may paggalang sa bawat isa, iginagalang ang dignidad at pagkatao ng bawat isa, at hindi dinarahas, hindi niyuyurakan, o binabalewala ninuman. Higit sa lahat, ang bawat isa'y nagpapakatao, nakikipagkapwa-tao at iginagalang ang dangal at pagkatao ng bawat isa.

Huwebes, Agosto 22, 2013

Kung Bakit Salbahe ang Salitang "Salvage"


KUNG BAKIT SALBAHE ANG SALITANG "SALVAGE"
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Wikang Ingles ang salitang "salvage" na ang ibig sabihin ay "save" o isalba, sagipin, iligtas. Ginagamit ito lalo na sa pagsagip ng isang barko. Ngunit sa wikang Filipino, hindi pagsagip, pagligtas at pagsalba ang ibig sabihin ng salitang "salvage" kundi ang kabaligtaran nito - pagpatay, pagpaslang, pagsalbahe sa katauhan at katawan ng isang tao. Sa kahulugang ligal, ang "salvage" ay "summary execution" o "extrajudicial killing". Sa ating bansa lamang masasabi na ang salitang "salvage" ay nangangahulugang pagpaslang.

Nang sumadsad ang barkong USS Guardian ng US Navy sa Tubbataha Reef sa Palawan hanggang sa pagtanggal ng barko nitong Marso 30, 2013, narinig natin ang pag-uusap hinggil sa pag-salvage ng barko, na ibig sabihin ay pagsalba. Tingnan natin ang balitang ito: "(CNN) -- The Guardian is gone. What was left of the former U.S. Navy minesweeper was lifted off a Philippine reef on Saturday. "As the hull has been removed, the team is now shifting their effort to collecting minor debris that remains on the reef," the head of the salvage operation, Navy Capt. Mark Matthews, said in a statement. "Every salvage operation presents unique challenges. It has been difficult to extract the Guardian without causing further damage to the reef, but the U.S. Navy and SMIT salvage team with support from other companies and the government of the Philippines have really done a superb job. I could not be more proud," Matthews said. (Minesweeper lifted from Philippine reef, By Brad Lendon, CNN March 30, 2013 http://edition.cnn.com/2013/03/30/world/us-navy-ship-reef/index.html)

Ganito naman ang balita sa Pilipinas: "MANILA, Philippines—The salvage team working on the USS Guardian, which ran aground in Tubbataha Reef, removed the warship’s last remaining section early Saturday afternoon after being stuck on the Unesco World Heritage site for more than 10 weeks, a Philippine Coast Guard (PCG) official said. PCG Palawan District chief Commodore Enrico Efren Evangelista said the stern of the 68-meter US mine countermeasures ship was lifted off the reef at around 2 p.m. Evangelista, head of the task force that oversees the salvage operations, said the team had worked throughout the Holy Week to remove the four sections of the warship’s wooden hull which included its bow, auxiliary machine room, main machine room (MMR) and the stern." (Tubbataha reef salvage, by Philip C. Tubeza, Philippine Daily Inquirer, Sunday, March 31st, 2013, http://globalnation.inquirer.net/70721/tubbataha-reef-salvage). Pansinin ang kahulugan dito ng salitang "salvage" batay sa pagkakagamit ng mga Amerikano.

Sa ating bansa, ang kahulugan ng salitang "salvage" o pagpaslang ay uminog mula sa salitang Kastilang "salbahe" na ibig sabihin ay masama ang ginagawa sa kapwa. At dahil maraming salitang uminog na napapaghalo natin ang salitang Kastila at Filipino, tulad ng salitang "amin" o pag-amin ay naging "aminado", napasama na rin dito ang salitang Kastilang "salbaje" na naging "salbahe" sa Filipino na naging "salvage" sa Ingles.

Kaya maraming balita sa radyo, dyaryo at telebisyon ang nagsasabing may "na-salvage" na naman, na ibig sabihin, may pinaslang na naman. Sa pambungad na pahina (front page) ng pahayagang tabloid na Pilipino Star Ngayon (Hulyo 2, 2013) ay nakasulat: 4 KATAO 'SINALVAGE', NATAGPUAN SA HIGHWAY, at ang kabuuang balita sa pahina 2 ay pinamagatang "4 'sinalvage', natagpuan". Kapuna-puna ang panipi sa salitang "sinalvage" dahil ginawang Filipinisado ang isang salitang Ingles, na sa katotohanan ay mula sa wikang Kastila.

Narito ang ilang saliksik sa media hinggil sa balitang "salvage" matapos ang "salvaging operations" ng USS Guardian sa Tubbataha Reef noong Marso 30, 2013. Pansinin kung paano inilarawan ang ginawang pag-salvage:
(1) mula sa GMA News: "Bodies of 2 'salvage' victims found in Manila", April 6, 2013:
The bloodied bodies of two victims of suspected summary execution were found in Manila before dawn Saturday. Both bodies were dumped along Dimasalang Street at about 3 a.m., radio dzBB's Paulo Santos reported. A separate dzBB report said both men were blindfolded with packaging tape, and their hands were tied. One was initially described as wearing blue shorts and an orange shirt, while the other was described as wearing gray shorts and a black shirt. No note or identification was found near the bodies. http://www.gmanetwork.com/news/story/302676/news/metromanila/bodies-of-2-salvage-victims-found-in-manila

(2) mula sa dyaryong Tempo tabloid: ‘Salvage’ victims dumped in Cavite, posted by Online on Aug 5th, 2013
CAMP GEN, PANTALEON GARCIA, IMUS, Cavite – Two bodies of men, apparently “salvage” victims, were found dumped separately over the weekend in the province. A Police Provincial Office (PPO) report said that the first victim was found on Daanghari Road in Barangay Molino IV, Bacoor City, late Friday night. The victim’s body, with tattoo marks, was found stuffed in a sack by passersby. The body was wrapped with packaging tape. http://www.tempo.com.ph/2013/08/salvage-victims-dumped-in-cavite/#.UjqC4dJmiSo

Ito naman ang ilang lumang balita:

(1) "2 more ‘salvage’ victims in QC; 8 bodies just this month", by Julie M. Aurelio, Philippine Daily Inquirer, Tuesday, August 21st, 2012
The bodies of two more men believed to be summary execution victims were discovered by the side of a road in Quezon City Tuesday morning. The find brought to eight the number of “salvage” victims found in the city so far for this month. All of them died of strangulation and none of them has been identified. http://newsinfo.inquirer.net/255056/2-more-salvage-victims-in-qc-8-bodies-just-this-month

(2) "Pangatlong biktima ng 'salvage' sa Cubao ngayong Hunyo", (Pilipino Star Ngayon) | Updated June 19, 2013
MANILA, Philippines – Isang bangkay na naman ng lalaki ang natagpuan sa basurahan sa isang bangketa sa lungsod ng Quezon nitong Martes ng gabi, pangatlo na ito ngayong buwan.
Ayon sa pulisya, natagpuan ng isang basurero ang bangkay ng hindi pa nakikilalang lalaki bandang alas-11 ng gabi sa Aurora Boulevard sa Cubao. Sinabi ng mga imbestigador na may saksak sa katawan, may mga marka ng pagsakal sa leeg at nakatali ang mga paa ng biktima. Hinala ng mga pulis na biktima ng summary execution ang lalaki na tadtad din ang katawan ng tattoo. Ito na ang pangatlong bangkay na natatagpuan sa Cubao ngayong Hunyo lamang. Nitong Hunyo 12 ay may natagpuan ding katawan ng lalaki sa kahabaan ng Aurora Boulevard na sinundan ng isa pang nakitang bangkay sa tumpok ng mga basura malapit sa EDSA-Cubao footbridge. http://www.philstar.com/psn-balita-ngayon/2013/06/19/955790/pangatlong-biktima-ng-salvage-sa-cubao-ngayong-hunyo

(3) mula sa pahayagang Remate: "Biktima ng salvage, natagpuan sa Maynila" by Jocelyn Tabangcura-Domenden & Ivan Gaddia, July 19, 2013: NAKATALI ng nylon cord ang leeg, kamay at paa ng isang lalaki na hinihinalang biktima ng summary execution nang matagpuan ito kaninang madaling araw sa Sampaloc, Maynila. Inilarawan ang biktima na nasa edad na 25-30, may taas na 5’4 hanggang 5’5, balingkinitan ang pangangatawan, nakasuot ng T-shirt na painted at brown khaki short pants. Nauna rito, naglalakad umano sa lugar ang di nagpakilalang tricycle driver nang mapansin ang biktima na nakabalot sa tela at may placard na nakapatong sa kanyang dibdib na “Snatcher ako,huwag pamarisan”. http://www.remate.ph/2013/07/biktima-ng-salvage-natagpuan-sa-maynila/#.UjqEptJmiSo

Pagpaslang, pagsalbahe sa katawan, pagpapahirap, pagtiyak na wala nang buhay, itinatapon kung saan. Natatagpuan na lamang na malamig nang bangkay. Ang mga biktima ay sinalbahe ng kung sino. Sinalvage sila. Biktima sila ng "summary execution" o "extrajudicial killing".

Sa WikiPedia, ang "summary execution" ay ganito: "Extrajudicial killings in the Philippines are referred to as salvage in Philippine English." ( http://en.wikipedia.org/wiki/Summary_execution)

Sa artikulong "Philippine English" na nalathala sa The News Today (Online Edition) ay nakalista ang 61 mga salita o yaong "terms common only to Philippine English", at ang pang-53 ay "salvage" na ang kahulugan ay "it means to deprive of life; kill". ( http://www.thenewstoday.info/2005/03/15/opinion6.htm)

Sa aklat na "The Activist" ng isang Antonio Enriquez, ganito niya inilarawan ang salitang "salvage": Unknown yet to the public was Davao’s Killing Fields, where those who opposed Dictator Marcos were “salvaged,” a coined word meaning executed. Hundreds of student activists, NPAs, and suspected communists were murdered, after Dictator Marcos’ goons in military uniform tortured them and they were dumped like so many carcasses in the Killing Fields—without a tombstone to mark their graves, or coffins. (mula sa http://www.scribd.com/doc/57252924/The-Activist-by-Antonio-Enriquez)

Kahit sa mga dokumento ng iba't ibang human rights organizations, ang salitang "salvage" ay nangangahulugang "summary execution".

Sa ikawalong kabanatang pinamagatang "To salvage" sa isang aklat ay ganito ang nakasulat: "About 3,000 were killed, 400 to 1,000 were disappeared during the Martial Law. It is believed that the word "salvage" which has original meaning "to save or to rescue" got a different meaning during this time. "Salvage" was used as a euphemism to the act of police and military to assassinate, to execute, to murder suspected enemies of the state." (For Democracy and human Rights: Rekindling Lessons of Martial Law and People Power Revolt, A Public Exhibition, by the Center for Youth Advocacy and Networking or CYAN)

Sa isang libreto naman ng FLAG (Free Legal Assistance Group) na muling inilathala ng PhilRights (Philippine Human Rights Center) ay ganito ang nakasulat:
Ang mga dapat gawin... KUNG SA PALAGAY MO'Y IKAW AY AARESTUHIN O ISA-SALVAGE:
Gawin ang mga sumusunod na pag-iingat:
1. Huwag lumabas nang mag-isa. Tumataas ang panganib ng pagkawala at salvage dahil walang nakakasaksi o walang gustong sumaksi at magpatunay sa pagdakip sa isang taong nawawala o sinalvage.
2....
10. Kung mayroon ka pang mapagkakatiwalaang impormasyon na may planong arestuhin o i-salvage ka, hindi maipapayo na ikaw ay magtago. Sa halip, pakiusapan ang abogado mo o kung sino mang responsableng tao upang itanong kung may warrant para sa iyong pagdakip.

Kahit ang Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan na si Virgilio S. Almario ay isinulat din ito nang kanyang tinalakay ang tulang "Katapusang Hibik" (na sa ibang bersyon ay may pamagat na "Katapusang Hibik ng Filipinas sa Inang España" bilang ikatlong dugtong sa dalawang tula ng ibang makata na naunang lumabas) ni Gat Andres Bonifacio "hinggil sa parusang kinamit ng mga Filipino sa kamay ng mga Espanyol". Ani Almario sa tulang ito: "Ano ang ikaiiba dito ng mga makahayop na torture at salvaging ngayon? Ngunit hindi ang realismo lamang ng paglalarawan ni Bonifacio ang dapat limiin; hindi rin lamang ang mga historikal na saligan ng mga inilatag na pruweba. Ang higit na makabuluhan sa pagbasang ito ngayon ay ang talim ng pagsipat sa isinagawang paglapastangan ng kolonyalismo sa katawan at katauhan ng sakop. Bukod sa hindi makatao ay mistulang hindi tao ang mananakop. Sa kabilang dako, waring imposibleng maging tao ang sakop dahil sa tinamong mga kahayupan." (Panitikan ng Rebolusyon(g 1896), Virgilio S. Almario, pahina 71)

Balikan natin ang ilang saknong na tinutukoy ni Almario sa tulang "Katapusang Hibik" ni Bonifacio na naglalarawan nito (Ibid. p. 145):

"Gapuring mahigpit ang mga tagalog
Hinain sa sikad, kulata at suntok,
Makinahi't 'biting parang isang hayop
Ito baga, Ina, ang iyong pag-irog?

Ipabilanggo mo't sa dagat itapon
Barilin, lasunin nang kami'y malipol,
Sa aming tagalog ito baga'y hatol,
Inang mahabagin sa lahat ng kampon?

Aming tinitiis hanggang sa mamatay
Bangkay nang mistula ayaw pang tigilan
Kaya kung ihulog sa mga libingan
Linsad na ang buto't lamuray ang laman."

Nasa kamalayan na nga ng masa ang pag-unawa sa salitang "salvage" bilang pagpaslang, bilang isang gawaing salbahe, pagsalbahe sa kapwa, pagsalbahe sa pagkatao, na isinagawa ng mga salbahe. Nasa media na rin ito, at nasa panitikan.

Una kong nalaman ang paggamit ng salitang "salvage" bilang “pagpaslang” noong 1989, pagkabalik ko rito sa Pilipinas mula sa anim-na-buwang pago-OJT sa ibang bansa, nang maging front page sa magasing Philippines Free Press ang pagkakapatay ng isang Patrolman Rizal Alih kay Heneral Batalla sa Zamboanga. At nakasulat sa malaking titik: "SALVAGING A GENERAL". May nabasa rin akong artikulo noon na ganito naman ang pamagat: "Salvaging Bonifacio" at itinuring ng artikulong iyon na "first celebrated salvage victim" si Gat Andres Bonifacio. Talagang sinalbahe sila ng kanilang mga kalaban.

Naghahanap ako ng mga lumang panitikan kung saan ginamit ang salitang pagsalbahe, sinalbahe, sumalbahe, nanalbahe, bilang paglalarawan sa nangyaring pagpatay. Halimbawa, ang isang taong nakitang nakahandusay sa ilog na may tama ng bala ay sinalbahe ng kung sino. Sino ang sumalbahe sa taong iyon? Mula doon ay maaari nating mahalukay pa ang pinag-ugatan o pinag-inugan ng salitang "salvage" na alam ng marami ngayon.

Ang salitang "salvage" na pagpaslang ay isang pabalbal na salita o masasabi nating salitang nauunawaan ng karaniwang tao, ng masa. Pumunta ka nga lang sa isang lugar na maraming tao at sabihin mo sa isa roon na isa-salvage mo siya na ang iniisip mo ay ang kahulugan sa Ingles na “save”, ingat, dahil baka bugbog sarado ka, buti kung bugbog lang, dahil ang salitang “salvage” nga ay pagpaslang at hindi pagsagip. Sa mga balitang inilatag natin sa itaas, mapapansin nating pawang mga dinukot ang mga biktima saka itinapon na lang kung saan. Kaya bago isinagawa ang "salvaging" sa mga biktima, maaaring ang mga ito muna'y tinortyur o pinahirapan, saka pinaslang ang mga ito at itinapon na lamang sa lugar na sa tingin ng mga dumukot ay magliligaw sa mga imbestigador.

Kaugnay nito, may tatlong batas sa karapatang pantao na naisabatas nitong mga nakaraan, na may kaugnayan sa pagdukot bago isagawa ang tortyur o pagpapahirap, at ang pagdukot na hindi na nakita pa ang katawan ng dinukot. Ang mga batas na ito'y ang Republic Act 9745, o Anti-Torture Act of 2009; ang RA 10353, o Anti-Enforced or Involuntary Disappearance Act of 2012; at ang RA 10368, o Human Rights Victims Reparation and Recognition Act of 2013. Gayunman, walang nabanggit na "salvage" o "summary execution" sa RA 9745 at RA 10353.

Isang beses namang nabanggit ang "salvage" o "summary execution" sa RA 10368. Ayon sa Chapter 1, Sec. 2, 3rd paragraph ng batas na ito: "Consistent with the foregoing, it is hereby declared the policy of the State to recognize the heroism and sacrifices of all Filipinos who were victims of summary execution, torture, enforced or involuntary disappearance and other gross human rights violations committed during the regime of former President Ferdinand E. Marcos covering the period from September 21, 1972 to February 25, 1986 and restore the victims’ honor and dignity. The State hereby acknowledges its moral and legal obligation to recognize and/or provide reparation to said victims and/or their families for the deaths, injuries, sufferings, deprivations and damages they suffered under the Marcos regime."

Ibig sabihin, wala pang batas talaga na nagpaparusa sa mga nagsagawa ng "salvaging" o "summary execution." Kaya nagsagawa ang ilang mambabatas ng panukalang batas hinggil dito. Noong Hulyo 2009, nagpasa ng panukalang batas si dating House Speaker Prospero Nograles. Ito ang House Bill 6601, na tatawaging "Anti-Salvaging Law". Nito namang Nobyembre 2012, ipinasa naman ni Kongresista Karlo Alexei Nograles (1st District, Davao City) ang House Bill 3079 o ang "The Anti-Summary Execution Act of 2012."

Ngunit sa panahong wala pang batas na nagpaparusa sa "summary execution" ay tiyak na magagamit ang batas hinggil sa "murder" o pagpaslang. Ngunit dapat mas linawin ang kaibahan ng dalawa. Ang "murder" ay pagpatay na isinagawa ng sinuman sa kanyang kapwa, habang ang "salvaging" naman ay isinagawa ng mga ahente ng estado. Paano kung hindi ahente ng estado ang nagsagawa kundi sindikato? Dapat mailinaw ito sa magagawang batas hinggil dito. Maraming aktibista ang pinaslang ng walang awa, mga biktima ng "salvaging", kaya ito'y masasabi nating isang krimeng pulitikal, at hindi lamang simpleng "murder".

Gayunpaman, dapat matigil na ang ganitong karahasan. Ayon nga sa International Convention on Civil and Political Rights: "Every human being has the inherent right to life. This right shall be protected by law. No man shall be deprived of his life arbitrarily." "[The Death] penalty can only be carried out pursuant to a final judgment rendered by a competent court" – ICCPR Articles 6.1 and 6.2.[1]

Ang "salvage" ayon sa Merriam-Webster Dictionary ay (a) compensation paid for saving a ship or its cargo from the perils of the sea or for the lives and property rescued in a wreck; (b) the act of saving or rescuing a ship or its cargo; (c) the act of saving or rescuing property in danger (as from fire). Ayon naman sa Oxford Dictionary, ang kahulugan ng "salvage" ay "the rescue of a wrecked or disabled ship or its cargo from loss at sea". Sa depinisyon ng dalawang diksyunaryo, tumutukoy ang "salvage" sa pagsagip sa barko at sa mga kargong dala nito. Ang kahulugang ito ang ginamit sa ilang Batas Republika ng bansa na tumutukoy sa pagsagip ng barko, tulad ng mga sumusunod:

Republic Act No. 9993 - Philippine Coast Guard, Section 3, Powers and Functions. (h) To issue permits for the salvage of vessels and to supervise all marine salvage operations, as well as prescribe and enforce rules and regulations governing the same;

Republic Act No. 6106 - An Act Amending RA 1047, as amended, to prescribe the rules for financing the acquisition or construction of vessels to be used for overseas shipping, to allow the creation of a maritime lien thereon, and for other purposes. Sec. 1, letter d, number 4. General average or salvage including contract salvage; bottomry loans; and indemnity due shippers for the value of goods transported but which were not delivered to the consignee;

Naglabas din ang Philippine Coast Guard ng Memorandum Circular MC 06-96 (Salvage Regulations) na ang layunin ay: II. PURPOSE: To prescribe guidelines on the salvage of vessels, including cargoes thereof, wrecks, derelicts and other hazards to navigation.

Marahil, matatagalan pa bago tumimo sa kamalayan ng masa ang kahulugang Ingles ng salitang "salvage" (to save or to rescue), pagkat ang etimolohiya o pinagmulang salita ng paggamit ng mga Pinoy sa salitang "salvage" ay ang wikang Kastilang "salvaje", mula sa mga mananakop na salbahe at sumalbahe sa marami nating kababayan. Higit sa lahat, dapat nang matigil ang "salvaging" o pamamaslang na ito, at idaan sa proseso ng batas kung sakaling sila'y may kasalanan na dapat panagutan. Kung di'y nararapat lang sadyang maparusahan ang mga nagsasagawa ng mga "salvaging" na ito dahil hindi ito makatao, at lalong hindi makatarungan.




Huwebes, Hunyo 27, 2013

BRAT (Basta! Run Against Torture), Muling Inilunsad

BRAT (BASTA! RUN AGAINST TORTURE), MULING INILUNSAD
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Bilang paggunita sa International Day in Support of Victims of Torture tuwing Hunyo 26 na idineklara ng United Nations, inilunsad ng iba't ibang grupo ang ikapitong Basta! Run Against Torture. Sa temang "Make Philippines a Torture-Free Zone", tumakbo ang may limangdaang katao mula sa Bantayog ng mga Bayani sa Quezon Avenue hanggang sa tanggapan ng Commission on Human Rights (CHR) sa Commonwealth Avenue sa Lungsod Quezon. 

Ang mga grupong dumalo rito ay kinabibilangan ng United Against Torture Coalition (UATC), MAG (Medical Action Group), Task Force Detainees of the Philippines (TFDP), Balay Rehabilitation Center (BALAY), Amnesty International - Philippines (AIPh), Organisation Mondiale Contra la Torture (OMCT) o World Organization Against Torture, Philippine Alliance of Human Rights Advocates (PAHRA), PhilRights, Families of Victims of Involuntary Disappearance (FIND), Akbayan, Partido ng Manggagawa (PM), Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML), mga estudyante ng Philippine Normal University (PNU), mga kinatawan mula sa Philippine National Police, Philippine Army, Philippine Navy at Philippine Air Force, Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), Presidential Human Rights Committee, at Commission on Human Rights (CHR). 

Mula pa 1987, naging bansang kapartido na ang Pilipinas sa United Nations Convention Against Torture (UNCAT). Noong 2009 naman, naisabatas na ang Batas Republika Blg. 9745 o ang Batas Laban sa Tortyur (Anti-Torture Law) ng 2009. Gayunpaman, kahit naisabatas na ito, hindi pa rin ito ganap na naipatutupad, dahil marami pa umanong kaso ng tortyur ang hindi pa epektibong naimbestigahan ng mga awtoridad, at hindi kaagad makapagsuplong ang mga nakakulong dahil sa kakulangan sa agarang serbisyong ligal at medikal.

Nang makarating kami ng tanggapan ng CHR, nagkaroon doon ng maikling programa kung saan nagsalita ang mga kinatawan ng iba't ibang grupo sa karapatang pantao. Nagsalita si Max de Mesa ng Philippine Alliance of Human Rights Advocate (PAHRA), Edel Hernandez ng Medical Action Group (MAG), at isang kinatawan ng CHR. Nagsalita rin ang mga kinatawan ng human rights office ng kapulisan at kasundaluhan.

Ayon sa tagapagsalita ng United Against Torture Coalition (UATC) na si Egay Cabalitan ng TFDP na isa sa kampanya nila ngayon ang pagkakaroon ng torture-free detention centers. Ang pilot area nila sa ngayon ay ang Bagong Silang. Nais din niyang makatulong ang KPML sa balak nilang susunod na pilot area na Tondo sa Maynila. Kaya ipararating ko sa pamunuan ng KPML, lalo na dito sa tsapter namin sa NCR at Rizal, ang hinggil dito. Toas-puso kaming tutulong sa kampanyang ito.


Ito ang ikalawa kong pagsama sa Basta! Run Against Torture. Ang una ay noong 2010. Masarap tumakbo laban sa tortyur, hindi pa dahil sa ehersisyo ng pagtakbo, kundi dahil sa marangal na layunin nitong mawala nang tuluyan sa sistema ng lipunan ang paggamit ng tortyur sa anumang dahilan. Hindi ito dapat maging sandata laban sa kalaban ng pamahalaan, armas laban sa aktibismo, sandata laban sa kababaihan, o armas sa digmaan. Dapat nang tanggalin ang tortyur, at lahat ng uri ng pananakit na pisikal at mental laban sa sinuman.

Halina't gawin nating malaya sa anumang uri ng tortyur ang ating bansa. Ayon nga sa UATC, "Make Philippines Torture Free Zone!"

Wala na dapat tortyur sa piitan

WALA NA DAPAT TORTYUR SA PIITAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

alam mong wala kang ginawang kasalanan
ngunit kailangan ka nilang paaminin
tingin sa iyo'y marami kang nalalaman
mga impormasyon sa iyo'y pipigain

ngunit kung sila sa iyo'y walang mapiga
totortyurin ka, sasaktan ang katawan mo
sa kanila'y kailangan mong magsalita
kundi'y talagang masasaktan kang totoo

sa tortyur, kahit balahibo mo'y titindig
pahihirapang tunay ang isip mo't puso
gagawin nilang kalamnan mo'y mapanginig
habang ramdan ang sakit ng laman at bungo

dapat nang tigilan ang tortyur, tigilan na
sa lahat ng piitan ay mawalang dapat
sa kulungan ay maging makatao sana
huwag nang paglaruan ang presong inalat

epekto sa tao ng tortyur ay kaytindi
katawan at pagkatao'y nayuyurakan
wala na dapat tortyur, sigaw ng marami
wala dapat tortyur sa alinmang piitan

- tuwing Hunyo 26 ay UN International Day in Support of Victims of Torture

Huwebes, Marso 28, 2013

Balantukan pa ang sugat

BALANTUKAN PA ANG SUGAT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
(alay sa mga pamilya't biktima ng sapilitang pagkawala - involuntary disappearence)

alalahanin sila
di dapat mawala sa kasaysayan
ang mga ngalan nila
bagamat sila'y di pa matagpuan

balantukan pa yaong
mga sugat na di mapaghihilom
ng mga oras, taon
nasa gunita ang mga kahapon

ang hinahanap namin
ay di yaman at kalayawang tunay
ang hinahanap namin
ay ang aming mga mahal sa buhay

nasaan ang hustisya
ang katahimikan ng aming loob
nahan na kaya sila
upang pumayapa ang aming loob

ang mga iwing sugat
ay mananatili pang balantukan
magkaroon mang pilat
di pa payapa ang puso't isipan

nawa'y matagpuan na
ang kaytagal na naming hinahanap
hustisya, ang hustisya
nang di na balantukan ang malasap

* balantukan - sugat na naghilom na ang balat ngunit may sugat pa rin sa loob, kaya naroon pa rin ang sakit

Tinula sa aktibidad ng FIND (Families of Victims of Involuntary Disappearance), Bantayog ng mga Bayani, Marso 27, 2013